Politika ng ating Bansa

 


                                     Politika ng 

ating Bansa 

Sa tuwing magbubukas ka ng telebisyon o mag-scroll sa social media, ang mundo ng politika sa Pilipinas ay parang isang teleseryeng walang katapusan. Lagi kang may bagong balita, bago't kakaibang eksena. Kung maswerte ka, makakahanap ka pa ng "plot twist" na hindi mo aakalain na totoo.


Isipin mo, sa halip na mga superhero o bida-kontrabida, may mga senador, mayor, kongresista na naglalabanan. Parang script ng isang mahabang drama, kumpleto sa pikunan, at pagmumurahan sa Senate hearings. Pero di rin nagpapahuli ang mga bagong politiko na ginagamit ang social media para magbigay ng opinyon sa lahat ng bagay. 


May isa pa akong napansin sa Pilipinas, parang "forever" ang termino ng ilang mga politiko. Isang buong pamilya, mula kay lolo hanggang apo, ang nagiging parte ng gobyerno. Tila yata ang pagiging politiko ay family business, na parang grocery store sa kanto na pinapasa-pasa sa bawat henerasyon.


Hindi rin mawawala ang pakulo at paandar tuwing eleksyon. Kapag halalan na, bigla silang makikita sa mga palengke, namimigay ng free T-shirts at sumasayaw pa sa entablado na parang nasa noontime show. Wala kang ibang magagawa kundi mag-isip "Para sa bayan nga ba o para lang sa boto?"


At ang mga debate? Akala mo totoong intelektwal na palitan ng ideya, pero kadalasan ay nagiging paligsahan ng pataasan ng boses at paramihan ng memorized quotes. Minsan nga, hindi mo alam kung seryoso sila o nagpapatawa lang.


Pero sa kabila ng lahat, patuloy pa rin ang mga Pilipino sa kanilang malasakit at pag-asa. Sa kabila ng lahat ng drama ng politika sa bansa, natututo pa rin tayo at umaasang darating ang araw na ang ating politika ay magiging mas seryoso, mas patas, at mas makatao. Pero habang wala pa 'yun, pakiantabay muna sa susunod na eksena!